3 holdaper ng taxi nalambat
MANILA, Philippines – Nalambat na ng awtoridad ang tatlong lalaking responsable sa serye ng panghoholdap sa mga pumapasadang taxi ilang minuto makaraang umatake ang mga ito sa isang taxi sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Chief Supt. Oscar Palisoc, hepe ng Quezon City Police Station 9 ang mga suspek na sina Andrew Luis Hayag, 20; Kenneth Santiago, 19; at isang Jojo dela Cruz, 15.
Ayon kay Palisoc, posibleng ang grupo ng mga suspek din ang responsable sa marahas na panghoholdap sa mga taxi sa Metro Manila.
Sila ay positibong itinuro ng biktimang si Romulo Tevez.
Narekober sa mga suspek ang isang wallet na may lisensya at ledge cutter na may limang pulgada ang haba at P1, 900 cash na tinangay sa biktima.
Ayon sa ulat, alas 4:45 ng madaling-araw nang holdapin ng mga suspek ang biktima habang sakay ng kanyang taxi sa may kahabaan ng Anonas Road, Extension corner Mapagsangguni St., Brgy. Sikatuna Village sa lungsod.
Makaraang makuha ng mga suspek ang pakay sa driver ay puwersahang pinababa ng mga una ang huli sa taxi. Dahil dito, nagpasya ang biktima na dumulog sa tanggapan ni Palisoc na agad namang rumesponde sa lugar kung saan naabutan ang mga suspek at inaresto. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending