MANILA, Philippines - Dahil pasukan na sa Hunyo, balik na ulit sa P5.60 ang minimum na pasahe ng mga estudyante sa mga pampasaherong jeep. Hindi kasi naipapairal ang 20 percent discount para sa mga estudyante nitong nakalipas na summer dahil bakasyon ang mga mag-aaral.
Sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 1, simula uling magkakaroon ng epektibo ang discount sa mga mag-aaral. Ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep ay P7 at kung kakaltasin ang 20 percent discount na pasahe sa mga mag-aaral, aabutin na lamang sa P5.60 ang pasahe ng mga estudyante.
Ang naturang halaga ay para din sa mga senior citizen. Sa kanyang panig, pinaalala naman ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing na tupdin ito ng mga driver sa mga pampasaherong jeep upang hindi maparusahan ng ahensiya. (Angie dela Cruz)