Mag-ina biktima ng 'salisi' sa hotel
MANILA, Philippines - Sa pagnanais na makaligtas sa masasamang elemento ng lipunan dahil dis-oras na ng gabi, nagpasya ang mag-inang taga-Leyte na mag-check-in sa isang hotel sa Quezon City.
Ngunit tila kabaligtaran ang nangyari dahil lalo lamang napahamak ang dalawa matapos na matangayan ng kanilang gamit at pera ng sindikato ng “salisig gang” sa pinasukan nilang hotel dito kamakalawa. Ito ang nabatid matapos na dumulog at magreklamo sa himpilan ng Station 10 ng QCPD ang mga biktimang sina Cinderella Miranda, 58, pharmacist; at Johannae Mae Miranda, 20, nurse; residente ng #310 Mabini St., Brgy. Bawad San Isidro Leyte.
Ayon sa mag-ina, nangyari ang insidente sa may loob ng Sir Williams Hotel na matatagpuan sa # 39 Timog Avenue sa lungsod ganap na alas- 10:30 ng gabi.
Bago ito, dahil dis-oras na ng gabi nagpasya umanong magpalipas ang mag-ina sa nasabing hotel para makaiwas sa tiyak na kapahamakan.
Pagsapit sa loob ng motel at makapag-check- in bilang guest bigla na lamang nawala ang kanilang dalang gamit matapos na makalingat lamang ng ilang sandali. Dahil dito, dismayado ang nasabing mga biktima at nagpasyang dumulog na lamang sa himpilan ng pulisya para magreklamo. Nakuha sa mga biktima ang dalawang cellphone; P10,000 cash, assorted jewelries na hindi mabatid ang halaga at isang MP4.
Halos araw-araw ay ang salisi gang ang madalas na reklamong natatanggap ng tanggapan ng Station 10 ng QCPD kaya naman nagpaalala ang mga awtoridad sa mga nagtutungo sa lugar na mag-ingat dahil sa mga pabagu-bagong estilo ng mga ito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending