Presyo ng petrolyo umariba

MANILA, Philippines – Humabol na rin ang iba pang mga kompanya ng langis sa pinaka­huling pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Kahapon ng alas-12 ng tanghali, huling nagpatupad ng oil price hike ang Petron Corporation.

Ayon kay Petron public affairs officer Rafael Ledesma, P1.50 sa kada-litro ng gasolina, habang 50 sentimos naman sa kada-litro ng diesel at kerosene ang kanilang ipinataw na taas-presyo sa kanilang produktong petrolyo.

Una rito, alas-12:01 ng hatinggabi ay unang nagpatupad ng oil price hike ang Pilipinas Shell sa kahalintulad na presyo sa kanilang mga produktong petrolyo.

Agad namang sinundan ito dakong alas-6 ng umaga kahapon ng Chevron Philippines at Total Philippines katapat sa ikinasang taas-presyo ng Shell sa nabanggit na mga produkto.

Habang isinusulat naman ang balitang ito kahapon ng tanghali ay nagpahayag din ng pagkasa ng oil price increase ang iba pang mga kompanya ng langis upang sundan ang ikinasa ng “Big 3”. (Rose Tamayo-Tesoro)


Show comments