Mister pinagtataga, habang naglalaba
MANILA, Philippines – Naglalaba nga lang, nakursunadahan pang todasin.
Ito ang sinapit ng isang mister matapos na pagtatagain ng isang lalake habang seryosong naglalaba malapit sa kanyang tahanan sa lungsod Quezon kahapon ng tanghali.
Si Rodrigo Roa, 38, negosyante, ng #692 Grapes St., Brgy. Commonwealth ay agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente bunga ng hindi mabilang na mga taga sa kanyang buong katawan.
Natukoy naman ang suspek sa pangalang Jimmy Cabrera at residente rin sa nasabing lugar na ngayon ay tinutugis na ng awtoridad.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima ganap na alas-12:15 ng tanghali. Diumano, busy sa paglalaba ang biktima nang bigla umanong sumulpot ang suspek bitbit ang gulok at walang sabi-sabing pinagtataga nito ang una.
Dahil nasorpresa, hindi na nagawang makapanlaban ang biktima hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng ulirat bunga ng pananaga ng suspek. Sinasabing hindi tinigilan ng suspek ang biktima hanggang sa matiyak na hindi na ito humihinga.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending