Demolisyon sa Taguig ipinatigil ng Pangulo
MANILA, Philippines – Ipinatigil na kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdemolis ng mga kagawad ng Philippine Army sa libu-libong mga kabahayan sa Sitio Masigasig, Western Bicutan, Taguig.
Ayon kay Taguig Rep. Henry Dueñas Jr., mismong si Presidential son at Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato” Macapagal-Arroyo ang nag-abot sa kanya ng impormasiyon na inutusan na ng Pangulo si Armed Forces Chief-of-Staff Lt. General Victor Ibrado na ihinto na ang demolisyon.
Bago ito, magdamag namang hindi nakatulog kamakalawa ang mga residente sa nabanggit na lugar dahil sa pagbabantay sa banta ng muling pagdating ng mga militar upang ituloy ang naantalang demolisyon sa kanilang mga kabahayan.
Ayon sa mga apektadong residente, hindi naman sila tumututol sa isasagawang paggiba sa kanilang mga bahay pero kailangan muna silang mabigyan ng tamang relokasyon at kinakailangang makita rin nila muna ang kautusan mula sa korte na magpapatunay na kailangan na silang mapaalis dito.
Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, dalawang magkasunod na marahas na demolisyon ang isinakatuparan ng mga tauhan ng Philippine Army sa Western Bicutan kabilang na ang Sitio Masigasig.
Halos 20 katao ang nasugatan sa magkabilang panig nang manlaban sa demolition team ang mga naapektuhang mga residente. Mula naman sa 1,500 na nakatirik na bahay, 100 na dito ang nagiba na at tinatayang aabot pa sa 1,000 pamilya ang mawawalan ng tirahan kaugnay sa nagaganap na demolition sa naturang lupain na pag-aari ng gobyerno.
- Latest
- Trending