Mag-ina lumaban sa holdaper, pinagbabaril
MANILA, Philippines - Kapwa nasa malubhang kalagayan ang isang mag-ina na pinagbabaril ng mga holdaper nang manlaban sila rito kamakalawa ng gabi sa Hulong Duhat, Malabon City.
Inoobserbahan pa sa Manila Central University Hospital sina Ofelia Bautista, 54; at anak na si Bernadette Madrid, 33, kapwa naninirahan sa Don Basilio Boulevard, Hulong Duhat.
Papasok pa lang sa kanilang bahay ang mag-ina nang lapitan at tutukan sila ng baril ng mga suspek. Sapilitang kinuha ng mga suspek ang mga pera ng mga biktima na nagkakahalaga ng P35,000 at dalawang cellphone ngunit tinangka ng mag-ina na manlaban kaya agad na pinagbabaril ang mga ito ng mga holdaper.
Matapos ito, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon.
Samantala, bugbug-sarado naman buhat sa kamay ng taumbayan ang inabot ng holdaper na si Nemesio Tabanao, 35, ng M. Naval St., Navotas City makaraang holdapin ang 23-anyos na si Marilyn Lopez kamakalawa ng gabi sa may Vicencio street, Malabon City.
Nabatid na tinangay ng suspek ang cellphone ng biktima ngunit isang tricycle driver ang nakakita dito at nagmagandang-loob na hinabol ang suspek. Nakitulong naman sa paghabol ang mga tambay at nang abutan ang suspek ay ginulpi. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending