P80-M pumping station, solusyon sa pagbaha sa Maynila
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na mababawasan ng halos 40 porsiyento ang pagbaha sa lungsod sa pagsisimula ng operasyon ng Abucay Pumping Station na nagkakahalaga ng P80 milyon.
Ayon kay Lim, inatasan na niya si City Engineer Armand Andres na buksan na ang nasabing pumping station kung saan responsable sa paghigop ng mga tubig-baha sa Districts I, II, at III. Ito rin aniya ang dahilan kung bakit naging mabilis ang paghupa ng baha sa kahabaan ng Avenida Rizal, kalye ng Antipolo at iba pang karatig kalye na laging nalulubog sa tubig baha.
Binanggit pa ni Andres na maliban sa pagbubukas ng Abucay Pumping station ay naging malaking tulong din ang ginawang de-clogging ng mga kanal at imburnal at mga sewerage system sa mga nabanggit na distrito dahil mabilis ang nagiging daloy ng tubig na hinihigop ng nasabing pumping station.
Ang nasabing de-clogging ay magkatuwang na ginawa ng MMDA at ng Manila City Engineer’s Office kug saan kapwa nagsabing panay mga solid plastics pa rin ang siyang pangunahing dahilan ng pagbabara sa daluyan ng tubig-baha.
Samantala, binanggit ng tanggapan ni Andres na sa kasalukuyan ay wala na silang suliranin sa mga nawawalang takip ng manhole dahil ito ay napalitan na ng mga concrete slabs kung kaya’t hindi na ito mapag-iinteresan ng mga mahihilig sa bakal.
Sinabihan na rin ng City Engineer ang tanggapan ng Maynilad, PLDT, at iba pang nagsasagawa ng mga paghuhukay sa Maynila na kaagad na lagyan ng takip ang kanilang mga hinuhukay kung hindi man pemanenteng maibalik sa ayos upang hindi maging panganib sa commuters at sa sibilyan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending