MANILA, Philippines - Pinag-almusal ng saksak sa dibdib ang isang caretaker na ikinasawi nito ng isang 26-anyos na binata na kanyang pinagbintangan nagnakaw, kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Hindi na naisalba ng Chinese General Hospital ang biktimang si Hernando Leonor, alyas “Bay”, 35, binata, caretaker sa isang bakanteng lote sa may panulukan ng Aurora Boulevard at Cavite st., Sta. Cruz, Maynila.
Agad namang naaresto ng barangay kagawad ang suspek na si Louie Tolentino, alyas “E.T”., binata, walang trabaho at walang permanenteng tirahan.
Sa ulat ni Det. Richard Lumbad ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:30 ng umaga nang maganap ang pananaksak sa biktima sa loob ng bakanteng lote sa Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na nawalan ng pitaka ang biktima na may lamang P900. habang natutulog umano kamakalawa ng gabi, batay sa idinulog niyang reklamo kay Kagawad Manuel Medrano ng Barangay 372, Zone 37, Dist. III, at itinuturo niyang kumuha ang suspek na nakikitulog sa bakanteng lote.
Nang ipatawag ni Kagawad Medrano ang suspek ay itinanggi nito ang bintang na siya ang nagnakaw hanggang sa pinauwi na lamang sila ng barangay kagawad.
Kahapon ng umaga, may nagsabi sa suspek na galit pa rin ang biktima at nagsasalita umanong ipakukulong ng habambuhay ang suspek.
Dahil sa pagngingitngit ng suspek ay kinompronta ang biktima sa loob ng bakanteng lote at maya-maya ay nakita na lamang na nagbunot ng patalim ang una na itinarak sa dibdib ng huli.
Mabilis namang rumesponde si Medrano kaya inabutan nito ang suspek at agad inaresto bago nai-turn over sa MPD-station 3. (Ludy Bermudo)