Patay na kelot isinakay, inabandona sa jeep
MANILA, Philippines - Isang patay na lalaki ang isinakay ng dalawang pasahero at saka inabandona sa loob ng noon ay namamasaherong jeep, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ang biktima na may mga tama ng bala sa mukha, at ulo ay inilalarawan lamang na nasa gulang na 20-30, may taas na 5’2”, balingkinitan ang pangangatawan, mahaba ang baba, nakasuot ng itim na short pants at puting t-shirt.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Manolito Ong, ng Station Investigation & Detective Management Section, isang jeepney driver na kinilalang si Carmelito Pelarios, Jr., 39, ng Brgy. 86, Zone 8, Kalaanan Compound, EDSA Caloocan City, ang unang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa patay na biktima na isinakay sa loob ng kanyang sasakyan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki.
Ayon sa pahayag ni Pelarios, dakong alas-4:30 ng madaling-araw, unang pinara ng mga suspect ang kanyang minamanehong jeep (PXB-993) sa bahagi ng Taft Avenue patungong Rotonda, Pasay City.
Agad na isinakay ng mga suspect ang duguang biktima at minanduhan siya ng mga ito na dalhin na lamang ang biktima sa Macapagal Avenue, Roxas Blvd, nabanggit na lungsod. Patungo na umano sila sa naturang lugar nang maisipan ni Pelarios na tumalon mula sa minamanehong jeep saka dali-daling sumakay sa isang tricycle patungong himpilan ng pulisya upang i-report ang insidente.
Nang pupuntahan na ang sasakyan sa Macapagal Avenue, wala na ito at sa ginawang paghahanap ay natagpuan itong naka-parada na sa harapan ng Film Center Building, CCP Complex ng Pasay City at doon kusang iniwanan ng mga suspect ang duguang bangkay ng biktima.
Kasalukuyan na ngayong inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga suspect para sa agarang ikadarakip ng mga ito, habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng biktima at motibo ng mga salarin sa pamamaslang sa kanya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending