MANILA, Philippines – Tuluyan nang sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse ang isang ama bunga ng aksidenteng pagpapainom ng gatas na may halong gaas sa kanyang tatlong buwang sanggol na ngayon ay inoobserbahan pa rin sa ospital sa lungsod Quezon.
Ito ang nabatid sa Quezon City Police Station 10 bunga ng umano’y kapabayaan ng amang si Arnold Arellano, 20, scavenger at walang permanenteng tuluyan makaraang painumin ng nasabing likido ang kanyang sanggol na tinawag na Baby Arellano.
Ayon sa pulisya, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang may hurisdiksyon sa nasabing kaso kung ano ang nararapat na aksyon ang gagawin kaugnay dito.
Sa ulat ni SPO1 Virginia Surban, ng Womens Children and Concerned Desk (DSWD), aksidenteng napainom umano ni Arnold ng gaas ang sanggol matapos na maihalo niya ito sa gatas sa pag-aakalang tubig lamang.
Sinasabing iniwan ng ina ng sanggol na si Ana Rose, 18, sa pangangalaga ng asawang si Arnold ang kanilang anak ganap na alas-7 ng gabi habang ang huli ay nasa impluwensya ng alak. Kung kaya nang pumalahaw ng iyak ang sanggol ay nagpasya itong bigyan ng gatas nang hindi nalalaman na ang inihalong pangtimpla na sa halip na tubig ay gaas.
Huli na nang malaman ni Arnold na gaas ang napainom sa anak nang magsimulang magsusuka ito at sabayan ng pangingitim ng buong katawan ng baby sanhi upang agad niyang isugod ito sa nasabing ospital.
Naunang, ikinakatwiran ni Arnold na nataranta siya at hindi niya malaman ang gagawin kung kaya hindi niya napuna na gaas pala ang inihalo nito sa gatas. Sa kasalukuyan, ang sanggol ay inoobserbahan pa rin sa East Avenue Medical Center at sinasabing ligtas sa kapahamakan. (Ricky Tulipat)