Masaker sa Makati: Koreano, 2 pa todas
MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang Korean national, habang dalawa pa ang nasa malubhang kalagayan sa naganap na masaker kahapon ng tanghali sa establisim yentong pag-aari ng dayuhan sa Makati City.
Matapos pagbabarilin, pagsasaksakin at paglalaslasin ang leeg ng apat na hindi pa nakikilalang salarin na pumasok sa establisimientong pag-aari ng dayuhan kahapon ng umaga sa Makati City.
Natuklasan ang naganap na panloloob at pamamaslang dakong alas-10 ng umaga nang makagapang palabas ng KP Network System Corp. na nasa #4501 Senian St., Brgy. Poblacion, ang sugatang technician na nakilalang si Arthur Dakles, 30, at humingi ng saklolo sa mga construction worker sa katabing ginagawang gusali sa nasabing lungsod.
Mabilis namang naipagbigay-alam sa pulisya na rumesponde sa lugar kung saan natuklasan ang bangkay ng mga biktimang sina Alex Kho, Korean national na nagmamay-ari ng naturang establisimyentong pagawaan ng computer, ang kanyang sekretaryang si Karl Ehren Gatus at ang 60-anyos na kusinerang si Nory Nazarito pawang laslas ang mga leeg, tadtad ng saksak sa katawan at tama ng bala ng kalibre .45 baril.
Bukod sa mga biktima na nagtamo din ng mga saksak at laslas ang mga leeg ang dalawang technician na nakilalang si Glenn Pedlugan, 28, at si Dakles na kapwa nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati kung saan sila isinugod.
Batay sa imbestigasyon ng Makati City Police maaaring sumalisi ang mga salarin kahapon ng umaga papasok sa loob nang lumabas ng establisimyento ang ka-live-in ni Ko na nakilalang si Veneliza Rodin, 26, dakong alas-8 ng umaga.
Bago nangyari ang insidente, ayon kay Rodin may nag-text umano kay Kho at tinatanong ang eksaktong lugar ng pagawaan niya ng computer. Ipinasagot naman ni Kho kay Rodin ang nag-text sa kanya na sinabi nito na ibigay ang eksaktong address sa kanilang lugar.
Malaki naman ang hinala ng pulisya na personal na galit ang motibo ng mga salarin dahil walang tinangay na salapi o gamit sa naturang establisimyento ang mga suspect.
Nakarekober ng dalawang slug ng cal. 45 sa pinangyarihan ng insidente. Kaugnay nito inimbitahan naman ng mga awtoridad si Rodin sa kanilang presinto upang magbigay ng salaysay hinggil sa naganap na krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending