Ginang todas, pulis na anak sugatan sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines – Isang ginang ang nasawi habang sugatan naman ang anak na pulis, makaraang paulanan ng bala ng baril ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang bahay sa Caloocan City kamakalawa.
Namatay habang ginagamot sa Nodado Hospital sanhi ng tama ng bala si Remedios Llacona, 51, ng German Village, Bagong Silang ng lungsod na ito. Inoobserbahan naman sa East Avenue Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si PO1 Rodolfo Llacona, 30, ng nasabing lugar at nakatalaga sa Camp Crame.
Sa ulat, alas-5:30 ng hapon, sakay ang mga suspek ng isang motorsiklong hindi na nakuha ang plaka at tumapat sa bahay ng mga biktima. Nagtanong pa ang mga suspek kung sino si Rodolfo at nang labasin ng mag-ina ay agad pinagbabaril ang mga ito.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang dinala ang mag-ina sa mga nasabing ospital kung saan nagsasagawa na nang follow-up ang mga pulis upang alamin ang motibo ng na sabing insidente. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending