MANILA, Philippines – Ipatatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan na magkakahiwalay na dinakip kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagkakadawit sa human trafficking.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, ipapadeport ang tatlong dayuhan sa bisa ng deportation orders na inisyu laban sa mga ito ng BI board of commissioners noong May 5.
Iniutos na rin ni Libanan na maisailalim sa blacklist ng BI ang mga dayuhan at pagmultahin ang mga ito ng tig-P50,000 dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
Ang mga nasabing dayuhan ay nakilalang sina Farhan Ahmed, isang Pakistani; Huang Guo Qiang, Chinese; at Thambi Raj Dhanapal, Malaysian.
Nadakip umano ang mga dayuhan sa tatlong magkakahiwalay na insidente sa NAIA ng mga tauhan ng migration compliance and monitoring group ng BI, dahil sa tangkang pagbiyahe ng mga ito gamit ang mga pekeng travel documents.
Si Ahmed ay dinakip sa NAIA 2 noong Feb. 4, habang papaalis sana patungo sa Sydney, Australia gamit ang pekeng Australian visa sa kanyang passport. Inamin naman ng Pakistani na nakuha niya ang kaniyang pekeng visa mula sa Pinoy na nagngangalang Haji Musa.
Si Huang naman ay inaresto rin sa NAIA 2 noong April 21, matapos na mahulihan ng pekeng Philippine passport nang dumating sa bansa galing sa Hongkong. Nagbayad umano siya ng P400,000 para makuha ang nasabing pekeng pasaporte sa isang Chinese “fixer” sa Beijing.
Habang si Dhanapal na nakakulong sa BI jail s ay naaresto naman matapos mahulihan ng pekeng Malaysian passport. (Gemma Amargo-Garcia)