2 nakipag-inuman natagpuang patay

MANILA, Philippines – Isang lalaking pinanini­wa­laang biktima ng sal­vage na   may tama ng bala sa dibdib at may saksak sa katawan ang natagpuang lumulutang sa Manila Bay sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng hapon, habang isa pa nitong kasama ang namatay naman sa lunod.

Ang mga biktima ay ki­ni­lalang sina Gary An­tonio, 38,  ng Road 10, Del Pan St., Tondo na may tama ng bala at saksak sa kata­wan, habang ang isa pang bik­tima, si Norman Bran­zuela, 32, electrician ng 1200 Wagas St., Tondo, ay patay naman sa pagka­lunod.

Sa ulat ni Det. Virgo Villareal ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2 ng hapon, kamakalawa nang magka­sunod na matagpuan ang mga bangkay sa Manila Bay na sakop ng Isla Pu­ting Bato, Tondo.

Habang isang mangi­ngisda na naki­lalang Vir­gilio Meca­susi, ang nagpa­hayag na imbes­tigador na nakita niyang buhay pa si Bran­zuela na kumakaway at humihingi ng tulong. Nang malapitan na niya ay pa­lubog na umano ito at hindi na na­isalba pa.

Nabatid na ang dalawa ay nagpaalam sa kanilang mga pamilya para maki­pag-inuman sa mga kaibi­gan sa Parola Compound.

Ayon sa imbestigador , posibleng sinaksak at na­ka­takas si Antonio kaya binaril ito hanggang sa ma­patay habang ang ka­samang si Branzuela ay tumakas sa kalaban sa pamamagitan ng pagtalon sa Manila Bay  at tuluyan nang nalunod dahil wala namang nakitang palatan­daan na siya ay pinahi­rapan. (Ludy Bermudo)

Show comments