Taxi driver naholdap

MANILA, Philippines - Dobleng kamalasan ang sinapit ng isang 26 anyos na taxi driver matapos tangayin ang kaniyang kinita at pati ang pampasadang taxi cab kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.

Sa reklamong idinulog sa Manila Police District-Anti Carnapping and Anti-Hijacking Unit ng biktimang si Richard Amero, residente ng Sta Maria Bulacan, tatlong lalaki na armado umano ng baril at nagpanggap na pasa­hero ang responsable sa pagtangay ng mina­maneho niyang puting Toyota Corolla na may plakang TWX-284 at hindi pa batid na cash.

Dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa ibabaw ng tulay ng Del Pan sa Port Area.

Pinapara ng tatlong suspek ang biktima at nagpa­pahatid umano sa Ermita. Nang nasa ibabaw na sila ng tulay ng Del Pan ay biglang tinutukan siya ng baril at hiningi ang pera na kaniyang kinita. Kasunod nito ay inutusan siyang bumaba sa taxi. (Ludy Bermudo)

Show comments