BI employee sinibak sa kotong
MANILA, Philippines - Sinibak ang isang confidential agent ng Bureau of Immigration (BI) kasunod ng pagkakaaresto nito noong isang linggo sa aktong tumatanggap ng P25,000 mula sa isang babae na nag-a-apply ng dual citizenship para sa apo nito.
Kinilala ni Immigration Administrative chief Atty. Felino Quirante Jr. ang empleyado bilang si Bonifacio Carreon, na nakatalaga sa civil security unit (CSU) ng ahensiya. Naaresto siya ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa isang coffee shop sa harap ng BI building sa Intramuros.
Ayon kay Quirante, tinanggal ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang serbisyo ni Carreon, na inatasan ding isuko ang kanyang identification card sa administrative division ng ahensiya.
Binalaan din ni Libanan ang ibang empleyado ng BI na huwag magsagawa ng pangongotong at iba pang iregularidad dahil hindi siya magdadalawang-isip na sipain sila sa tungkulin.
Pinayuhan naman ni Quirante ang mga nakikipagtransaksiyon sa BI na makipag-usap sa mga windows ng ahensiya at huwag makipag-usap sa “fixers” o mga empleyado na nag-aalok ng mabilis na pag kilos ng kanilang mga dokumento kapalit ng bayad.
Batay sa ulat, hinuli si Carreon bunsod ng reklamo ng isang Erlinda Santos ng Pasig City. Sa salaysay ni Santos, nabatid na humingi si Carreon ng P80,000 kapalit ng pagproseso ng aplikasyon ng kanyang apong Hapones upang kilalanin bilang Philippine citizen.
Aniya, natanggap ni Carreon ang kabuuang halaga mula sa kanya sa tatlong magkakaibang okasyon ngunit hindi natapos ang mga dokumento ng apo nito. Pagkatapos, humingi pa si Carreon ng dagdag P25,000 kaya napilitan ang complainant na ireklamo ito sa NBI. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending