MANILA, Philippines – Patay agad ang isang mister makaraang mabasag ang bungo nito matapos na tumilapon nang mahagip ng isang rumaragasang kotse, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City. Nakilala ang biktima na si Rey-An Lopez, 23, ng Green Valley, San Nicolas III, Bacoor, Cavite bunga ng matinding pinsala sa ulo at katawan nang tumilapon ito ng tatlong metro ang layo.
Agad namang sumuko sa pulisya si Lawrence Jalandoni Ramirez at driver ng Honda Civic (USF-339) na naka-bundol sa biktima. Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa panulukan ng San Gregorio at Chesa St., Las Piñas City.
Dahil umano sa sobrang lakas ng ulan at malabo ang bisinidad ng lansangan ay hindi napansin ng suspect ang biglang pagtawid ng biktima kung kaya’t huli na nang matapakan nita ang preno ng sasakyan dahilan upang matumbok nito ang huli. Lumalabas naman sa medico legal examination na nasa impluwensiya ng alak ang suspect habang nagmamaneho na posibleng makadagdag sa bigat ng kasong isasampa laban sa kanya. (Rose Tamayo-Tesoro)