Karnaper patay sa Army reservist

MANILA, Philippines - Isang pinaniniwalaang karnaper ang nasawi at nakatakas naman ang dalawang kasama nito matapos na makipagbarilan   sa isang reservist ng Philippine Army na bibiktimahin sana ng mga ito sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang hindi pa naki­kilalang suspek sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan, habang mabilis namang nakatakas ang dalawang kasamahan nito.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:20 ng umaga sa harapan ng Notre Dame School sa may 12th Avenue, ng naturang siyudad.

Ayon kay Cornelio Guevarra, 39, ng Valenzuela City at reservist ng Army na ipinarada niya ang kanyang Toyota Fortuner (ZMV-328) sa nabanggit na lugar nang biglang lumapit ang mga suspect at agad siyang tutukan.

Agad din umanong pinaputukan ng baril ng isa sa mga suspect ang biktima subalit masuwerteng hindi itong tinamaan. Dahil dito nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na bunutin ang kanyang baril at gumanti ng putok kung saan tinamaan ang isa sa mga suspect. Nataranta naman ang mga kasamahan ng nasawi kaya mabilis itong nagsitakas. (Lordeth Bonilla)

Show comments