Binatilyo sa gang war, todas sa 2 pulis

MANILA, Philippines - Patay ang isang 15-anyos na binatilyo na sinasabing ka­bilang sa isang fraternity ma­tapos makipagputukan sa mga rumespondeng pulis, habang nagaganap ang isang riot sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Idineklarang dead on arrival ng Gat Andres Bonifacio Hos­pital ang biktima na si Raffy Ha­ya­hay,  out-of-school-youth, re­si­dente ng   Parola Compound, Binondo, Maynila dahil sa ma­raming tama ng bala ng baril na natamo.

Kusa namang isinurender   ng dalawang miyembro ng Manila Police District-Station 2 na sina PO3 Arnel Tubbali and PO2 Dexter Arciaga ang ka­nilang mga baril sa Manila Police District-Homicide Section at sumasailalim sa imbesti­gas­yon kaugnay sa insidente.

Sa ulat ni Det. David Tua­zon, ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng madaling-araw sa tapat ng Gate 10, Area B, Parola Compound Tondo.

Bago ito nakatanggap ng radio message report ang dala­wang pulis na noon ay naka-duty   sa Delpan outpost hinggil sa nagaganap na gang war sa pagitan ng Gate 46 at Gate 48 ng Parola Compound kaya agad silang rumesponde.

Nadatnan umano ng mga pulis ang dalawang grupo ng ka­bataan na nagpapalitan ng  putok at nang bumaba sila sa markadong police patrol car at unipormado ay pinaputukan din sila ng mga kabataan kabilang din umano si Hayahay. Wala nang nagawa ang da­lawa kundi magpaputok na rin upang pa­tigilin ang mga umaatakeng kabataan.

Ilang sandali pa ay nagsi­pag­takbuhan umano sa iba’t ibang direksiyon ang mga ka­bataan at naiwan na lamang ang biktimang duguang naka­bu­lagta habang hawak umano ang isang sumpak  na may bala at ilang basyo ng bala ng sumpak.

Mabilis na isinugod ng da­lawang pulis ang biktima sa pagamutan subalit hindi na ito umabot nang buhay.

Sinabi naman ni MPD-Homicide chief, C/Insp. Alberto Peco, iniimbesti­gahan pa ang kaso at hindi pa natutukoy kung ang mga bala na nakapatay sa biktima ay ang nanggaling sa service firearms nina Tubbali at Arciaga. (Ludy Bermudo)

Show comments