Lozada naospital
MANILA, Philippines - Isinugod sa Medical Doctor Manila ang nakapiit na si NBN-ZTE witness Rodolfo Lozada Jr. matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib sa loob ng Manila Police District Integrated Jail, sa UN Ave., Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa kasalukuyan, isinasailalim sa pagsusuri si Lozada sa nasabing ospital at binabantayan siya ni Sister Mary John Mananzan habang bantay-sarado naman ang pagamutan ng dalawang mobile patrol car ng MPD.
Nabatid na bago isugod si Lozada sa ospital, napansin ng dalawang doktor na kabilang sa dalaw ni Lozada dakong alas-5 ng hapon na matamlay ito at sumisikip ang dibdib kaya hiniling na magpadeliber ng oxygen tank sa piitan upang kabitan ito. Bago mag-alas-10 ng gabi na nang eskortan ng MPD ang pagdadala kay Lozada sa nasabing pagamutan, na halos katapat lamang ng MPD headquarters.
Na-dehydrate umano nang husto si Lozada at kinailangang lagyan ng dextrose at oxygen na magdamag binantayan ng mga madre.
Samantala, sinabi naman ni MPD Director in Charge, Chief Supt. Rodolfo Magtibay na hinihintay na lamang nila ang ginagawang medical examination kay Lozada at kung maayos na ang kondisyon ay agad itong ililipat sa kustodiya ng Philippine National Police-Camp Crame, sa Quezon City sa dahilan ng seguridad.
“Kino-consider pa lang namin kung kailangan niyang i-confine ng matagal sa ospital baka mag-decide kami na ilipat na lang siya sa PNP hospital, sa Camp Crame for security reasons,” ani Magtibay. Sinabi ni Lozada na nais niyang umayos ang kanyang kondisyon dahil desidido siyang dumalo sa naitakdang arraignment sa kasong perjury na isinampa ni dating presidential management chief Mike Defensor ngayong araw (May 7), sa sala ni Manila Metropolitan Trial Court Judge Jorge Emmanuel Lorredo ng Branch 26. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending