Tomboy todas sa best friend

MANILA, Philippines - Dahil sa utang na hindi na­bayaran, nasira ang matagal nang pagkakaibigan ng dala­wang dalaga matapos na ma­uwi ito sa pagtatalo hanggang sa pananaksak na ikinasawi ng isa sa kanila sa lungsod ng Quezon kamakalawa.

Isang malalim na tama ng saksak sa leeg ang sanhi upang masawi ang biktimang nakilala sa alyas na Alice, umano’y tomboy matapos na tarakan ng kanyang kaibigang si Jerra Sumalpong, 24, baby sitter, tubong-Tag-ulo, Dapitan City at nanunuluyan sa Nia Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod.

Ayon sa ulat ni PO3 Allan Paul Tesado, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may C-78 Nia Road, Brgy. Pin­yahan sa lungsod ganap na alas-11:30 ng gabi. Matalik umanong magkaibigan ang bik­tima at suspek kung saan nang muling magkita ay inungkat ng una ang matagal na umanong utang nito sa kanya na hindi naba­bayaran.

Dahil dito, ang komprontas­yon ay nauwi sa mainitang pag­tatalo hanggang sa magsuntu­kan ang mga ito. Sa puntong ito, ilang kaibigan ng suspek ang umano’y tumulong na rin maki­gulo sa dalawa hanggang sa magbunot ng patalim ang una at inundayan ng saksak ang biktima sa leeg.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang sus­pek habang ang biktima ay isi­nugod naman ng tricycle driver na si Aldrin Bungat sa ospital kung saan ito idineklarang patay. Agad namang nadakip ng awtoridad ang suspek na ngayon ay nakapiit na sa him­pilan ng Quezon City Police.

Show comments