Mag-ama kritikal sa saksak ng magpipinsan
MANILA, Philippines - Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang mag-ama makaraang saksakin ng magpipinsan nilang kapitbahay matapos magka-alaskahan hinggil sa naganap na laban nina Manny “Pacman” Pacquiao at Ricky Hatton kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ginagamot sa East Avenue Medical Center sanhi ng saksak sa katawan ang biktimang si Florentino Bautista, 58 at anak nitong si Joel, 24, ng Phase 8A, Bagong Silang ng lungsod na ito.
Nadakip naman ang mga suspek na sina Billamil Austria , 24; kapatid nitong si Jojo at pinsan na si Bibith Casalmer “alyas Tisoy”.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi habang kainuman ni Joel ang mga suspek sa kanilang lugar nang alaskahin ng mga huli ang una dahil natalo ito makaraang pumusta kay Hatton. Dito na nagsimulang magkapikunan hanggang sa mamagitan na rin si Florentino pero agad namang naglabas ng patalim ang mga suspect at pinagsasaksak ang mag-ama. Matapos ang insidente ay dinala ang mag-ama sa nabanggit na pagamutan, habang nadakip ang mga suspek ng mga barangay tanod. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending














