Vendor nakalimot mag-tagay pinatay
MANILA, Philippines - Dahil lamang sa nakalimutang tagay isang 43-anyos na vendor ang napatay ng kanyang kainuman sa lungsod ng Quezon kamakalawa ng gabi. Kinilala ang nasawi na si Gregorio Mamaril,ng Laura St., Old Balara, ng nabanggit na lungsod. Natukoy naman ang suspek sa alyas na “Mar” na ngayon ay tinutugis na ng awtoridad. Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi habang masayang nag-iinuman ang biktima at suspect nang bigla na lamang magkaroon ng mainitang pagtatalo makaraang makalimutan ng una na tagayan ang huli. Nasa mainit na pagpapalitan ng maanghang na salita ang dalawa nang magbunot ng patalim ang suspek at undayan ng saksak ang biktima sa dibdib. Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay isinugod ng ilang residente sa Malvar hospital kung saan ito idineklarang dead-on-arrival. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending














