MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Acting Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ang publiko na huwag bumili at huwag magbenta ng imported frozen meats sa lahat ng pamilihan, malls at meatshops sa Maynila hang ga’t walang kasiguruhan na ang mga ito ay ligtas sa A/H1N1 virus o swine virus.
Ang pahayag ni Moreno ay bunsod na rin ng malakas na konsumo ng mga Pinoy sa mga imported frozen meats na kadalasang ginagamit sa mga five-star hotels, restaurants at sa napakaraming fast food chains.
Matatandaan na isa rin ang Pilipinas sa malakas mag-angkat ng mga imported meats na galing Amerika at iba pang north American countries na siya namang tinutukoy na epicenter ng swine flu pandemic.
Samantala, tiniyak naman ni Chief of the Staff Ric de Guzman na mayroon ng direktiba ang local health department na maglagay ng 24-hours monitoring team para sa mga taga-lungsod na dadapuan ng influenza o trangkaso dahil iisa lamang ang sintomas ng swine flu sa ordinaryong human flu.
Tiniyak din ni De Guzman na mayroong sapat na gamot o pangontra sa flu virus ang lungsod at kung ito ay kakapusin ay mayroong nakahandang contingency funds upang bumili ng sapat na pangangailang gamot para dito. (Doris Franche)