Anak ni Asistio sabit sa carnapping at robbery

MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang anak ni dating Caloocan City 2nd District Congress­man Luis “Baby” Asistio at isa pa nitong kasama, habang arestado naman ang dalawa pang kasab­wat ng mga ito matapos ireklamo ng isang negos­yante na kanilang sinak­tan, ninakawan at tinanga­yan pa ng sasakyan sa nasabing lungsod, iniulat ng pulisya kahapon.

Si Luis Asistio, Jr. alyas Peting, ay muli na na­mang nahaharap sa tatlong kaso habang pinag­hahanap ng mga awtori­dad, kasama ang isa pa nitong ka­ibigan na si Arwin Murillo.

Nakapiit naman sa de­tention cell ng Caloocan City Police si Michael Paul Battad, alyas Dok, 38,   ha­bang si Ma. Rosario Or­tega, 41, ay pinalaya ng pu­lisya dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya na magdidiin laban dito.

Base sa salaysay ng biktimang si Joey Sia Man­cilla, 39, ng University Hills Subd., Caloocan City, na­ga­nap ang insidente no­ong April 27, dakong alas-8 ng gabi. Ayon pa sa bik­tima, bago ang insi­dente ay unang nagtungo sa kan­yang bahay ang suspek na si Murillo kung saan nag­panggap itong bibili ng imported puppies hang­gang sa naging mag­kaibigan ang dalawa.

Diumano, noong gabi ng April 27 ay niyaya ni Mu­rillo ang biktima na mag-dinner sa EDSA, Calo­ocan City kung saan ay di­nala ni Mancilla ang kan­yang Mazda Tribute (ZAB-718). Habang patungo sa res­­taurant ay tinakot uma­no ni Murillo ang biktima dahilan upang makarating ang mga ito sa Q-11 Motel na matatag­puan sa Ba­gong Barrio, Ca­loocan City. Sa salay­say pa ng biktima, habang nasa loob sila ng isang kuwarto ay dumating ang dalawang suspek na sina Asistio at Battad na agad na sinak­tan ang ne­gos­yante at ki­nuha pa ang diamond ring nito na nag­kakahalaga ng P56,000, gayundin ang cell­phone, camera ng bik­tima. Bukod dito ay pinilit din ng mga suspek si Man­cilla na mag-isyu ng tseke sa China­Bank na nagkaka­halaga ng P50,000.

Matapos ito ay saka lamang umalis ang mga suspek na sina Asistio at Battad habang naiwan naman sa kuwarto ng motel sina Murillo at ang biktimang si Mancilla. Ma­kalipas naman ang ilang minuto ay inilipat ng sus­pek na si Murillo ang bik­tima sa Victoria Court. 

Nang mainip si Murillo ay iniwan nito ang biktima sa loob ng kuwarto ng motel kung saan ay tina­ngay pa nito ang kotse ni Mancilla at sapilitan pang pinag-isyu ng pani­bagong tseke ng China­Bank na nagkakahalaga naman ng P30,000. Matapos ito ay agad na humingi ng tulong sa kanyang mga kaanak ang negosyante hanggang sa magtungo ang mga ito sa himpilan ng pulisya upang ipaalam ang pang­yayari.

Sa isinagawa namang follow-up operation ay na­aresto ng mga awtoridad sina Battad at Ortega ha­bang nagpapapalit ng tse­keng P50,000 sa China­Bank Valenzuela Branch samantalang ang sasak­yan ni Mancilla ay nareko­ber naman sa Brgy. Pot­rero, Malabon City kung saan ito inabandona.

Hanggang sa kasalu­kuyan ay nagsasagawa ng fol­low-up operation ang mga awtoridad laban kina Asistio at Murillo upang pa­panagutin sa kasong isi­nampa laban sa mga ito.

Matatandaan na bukod sa kasong ito ay ilang be­ses na ring nasangkot sa maraming kaso ang anak na ito ni Baby Asistio ngunit palagi na lamang ito naka­kalaya dahil na rin sa im­pluwensiya ng dating kon­gresista. (Lordeth Bonilla)

Show comments