Lozada inaresto
MANILA, Philippines - Inaresto kahapon si ZTE whistleblower Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. matapos na ihain ang warrant of arrest” laban sa kanya kaugnay sa kasong perjury na iniharap dito habang nasa pangangalaga ng mga madre sa De La Salle Greenhills sa San Juan City.
Dakong alas-3 ng hapon nang tuluyang arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District-Warrant and Subpoena Section si Lozada matapos naman na basahan ito ng “Miranda Doctrine”.
Nabatid na may 30 minutong naghintay ang mga tauhan ng pulisya bago tuluyang ihain ang warrant kung saan hinintay pa ni Lozada na dumating ang kanyang abogadong si Jose Manuel Diokno bago tuluyang ibigay ang sarili sa mga awtoridad.
Sinabi ni Lozada na nais umano niyang nasa ayos lamang ang pag-aresto sa kanya kaya hinintay niya muna ang abogado at sinabing paninindigan ang lahat ng sinabi niya laban sa pamahalaan.
Sinamahan din si Lozada ni Association of Major Religious Superiors of the Philippines Sister Mary John Mananzanan.
Una nang nagpahayag si Lozada na hindi maghahain ng piyansa bilang protesta sa pamahalaan sa ginagawa umanong panggigipit sa kanya matapos na isiwalat ang anomalya sa kontrata ng kompanyang ZTE sa Tsina na pinasok ng pamahalaan.
Nag-ugat naman ang warrant of arrest sa kasong perjury na isinampa sa kanya ni dating presidential chief of staff Mike Defensor na sinabi ni Lozada na namuwersa umano sa kanya na magsinungaling sa ginawang pangingidnap sa kanya ng mga opisyales ng pamahalaan nang lumapag siya ng Pilipinas buhat sa Hong Kong noong Pebrero 2008.
Samantala, handa si Defensor na bawiin ang kaso laban sa NBN-ZTE scandal whistleblower na si Lozada kung babaguhin umano nito ang kanyang ibinigay na affidavit sa Court of Appeals (CA).
Ayon kay Defensor, sa isang press conference, hindi naman niya nais makulong si Lozada dahil naging malapit niya itong kaibigan subalit dapat anyang baguhin nito ang kanyang mga ipinahayag na kasinungalingan sa CA. (Dagdag na report ni Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending