MANILA, Philippines - Patay ang isang 16 -anyos na estudyante matapos na salpukin ng rumaragasang kotse sa Commonwealth Ave., sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw. Nakilala ang nasawi na si Jerico Merciales, ng Kasunduan St., Brgy. Commonwealth ng lunsod na ito. Nasa kustodiya naman ng pulisya ang nakabundol na driver na si Danilo Gozo, 25, naninirahan sa Casa Milan Subd., North Fairview. Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth kanto ng Kasunduan St., sa naturang Brgy. ganap na alas-12:30 ng madaling-araw. Sinasabing sa halip na dumaan sa overpass ay tumawid ang biktima sa kalsada dahilan upang mabundol ito ng minamanehong Canter (TPS-194) ng suspek. Nagawa pang maisugod sa Gen. Malvar Hospital ang biktima ngunit idineklara din itong patay. (Ricky Tulipat)