6 sugatan sa demolition sa Pasay
MANILA, Philippines - Anim katao ang iniulat na nasugatan makaraang magpang-abot ang mga miyembro ng demolition team at mga naapektuhang residente nang sumiklab ang tensiyon sa isinagawang demolisyon sa may 200-kabahayan, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Agad na dinala sa iba’t ibang pagamutan ang mga biktima na isa na rito ay kinilalang si Alberto Morales, 23, habang nawalan naman ng tirahan ang may 800 pamilya sa San Juan St., nabanggit na lungsod.
Nabatid na nag-ugat ang tensiyon makaraang hindi pinagbigyan ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng mga apektadong residente ang hinihinging 25-araw na palugit ng mga huli dahil na rin sa isang patay na nakaburol sa nabanggit na lugar.
Wala namang nagawa ang mga residente kundi bibitbitin pati na rin ang kabaong ng naka-burol nang ipagpatuloy ang paggiba sa kanilang mga kabahayan matapos ang kaguluhan. Ang kaguluhan ay napayapa nang dumating sa lugar ang mga mobile car at pwersa ng kapulisan na pumagitna sa insidente.
Batay sa demolition order na ipinalabas ng Pasay City Sheriff Office, ang isang ektaryang lote na kinatitirikan ng mga residente ay pag-aari ng pamilya Madrigal na malapit na kaanak ni Senadora Jamby Madrigal. Binatikos naman ng mga napalayas na mga residente ang lokal na pamahalaan ng Pasay City dahil hindi umano sila binigyan ng relokasyon na kanilang malilipatan lalo pa’t pangunahing naapektuhan ay ang kanilang mga anak na nagsisipag-aral sa paaralan ng lugar. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending