Navotas fire: Ina, 2 anak patay
MANILA, Philippines - Tatlo katao na kinabibilangan ng mag-iina ang nasawi sa sunog na naganap kahapon ng madaling-araw na nagsimula sa pabrika ng isang plastic sa Navatos City.
Nakilala ang mga nasawi na si Luciana Ang Co, 52, at mga anak na sina Alfonce Mac Hurley Ang Co, 22; at Eillen Ang Co, 20, pawang mga naninirahan sa #101 Riverside, San Rafael Village ng lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-3 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng nasabing pabrika na pag-aari ng kaanak ng mag-iina na si William Co.
Mabilis na kumalat ang apoy kung saan hindi na nakalabas ng kanilang kuwarto ang mga biktima hanggang sa magkasamang masunog.
Alas-4:45 kahapon ng umaga nang maapula ang apoy. Tinatayang P2 million halaga ng ari-arian ang natupok. Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng nasabing sunog.
- Latest
- Trending