Lider ng holdup gang, 7 pa timbog
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalansag na ng pulisya ang serye ng holdapan ng mga pampasa herong jeep at bus sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City matapos na malambat ang walong kalalakihang responsable umano sa nasabing insidente kahapon ng madaling- araw sa lungsod.
Kinilala ni Senior Supt. Elmo San Diego, QCPD chief ang mga suspek na sina Allan Carbungco, Arthur Carbungco, Willardson Uy, Vicente Llaneta Jr., Eliseo Madela Jr., Michael Suyu, Randy Ortega at Mark Neil Pichay pawang mga residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek habang nagsasagawa ng operasyon ang pulisya laban sa mga street crime nang maispatan nila ang isang grupo ng mga kalalakihan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa harapan ng Commission on Audit (COA) sa Quezon City ganap na alas-12 ng hatinggabi.
Nang lapitan ang grupo ay bigla na lamang nagpulasan ang mga ito dahilan upang magkaroon ng habulan at maaresto ang nasabing mga suspek.
Narekober kay Carbungco, na hinihinalang lider ng grupo ang isang kalibre 38 baril, gayundin ang tatlong sachet ng shabu, limang bala at isang kalibre 38 baril din ang nakuha kay Uy.
Bukod sa mga baril nakuhanan din ng mga pulis ng patalim sina Pichay, Ortega, Suyu, Madela, Llaneta at Arthur Carbungco.
Samantala, natukoy naman ng mga awtoridad si Carbungco na siyang nang-hostage sa isang stenographer ng RTC Branch 88 sa Quezon City habang dinidinig ang kanyang kasong robbery noong February 2008.
Samantala, nanawagan naman si San Diego sa mga biktima ng pampasaherong jeepney at pampasaherong bus na magtungo sa PS-6 upang kilalanin ang mga suspek kung ang mga ito ang nambiktima sa kanila. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending