MANILA, Philippines - Isang babaeng superbisor ng isang burger chain ang nasawi nang pagsasaksakin ng dalawa niyang tauhan na sinuspinde niya sa trabaho sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Jesusa Albo, 48 anyos, superbisor ng Angels Burger sa naturang lugar.
Pinaghahanap pa ng pulisya habang isinusulat ito ang tumakas na mga suspek na sina Jimboy Mariano at Nereboy Calle, kapwa empleyado ng Angels Burger.
Sinabi ng isa pang tauhan ng Angels Burger na si Joenald Cacho na nag lalakad sila ni Albo sa may E. Rodriguez Avenue kanto ng Mendoza Street, Barangay Santo Nino sa naturang lunsod para mag-abang ng masasakyan nang harangin sila nina Mariano at Calle.
Kinompronta nina Mariano at Calle si Albo kaugnay ng pagsuspinde nito sa kanila. Ikinatwiran ng babae na laging late pumasok sa trabaho ang dalawa kaya tinanggal niya ang mga ito.
Dito na lalong nagalit ang mga suspek kung saan naglabas ng patalim ang suspek na si Mariano at sunud-sunod na undayan ng saksak si Albo. Mabilis na tumakas ang magpinsan matapos ang krimen.