MANILA, Philippines – Nagbuwis ng buhay ang kapitbahay ng driver ng aktor na si Rafael Rosell IV matapos na pagbabarilin nang tangkain nitong pigilan ang mga carjackers sa aktong kinakarnap ang Sports Utility Vehicle (SUV) ng aktor sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO3 Jaime Jimena, may hawak ng kaso ang nasawing biktima na si Roseland Jacinto, 20. Si Jacinto ay tinadtad ng tama ng bala ng baril ng mga suspect nang tangkain nitong habulin ang mga carjackers matapos masaksihan nitong tinatangay ang SUV ni Rosell IV.
Nagtamo naman ng mga galos sa kaliwang kamay at kanang bahagi ng noo ang driver ni Rosell na nakilalang si Rumel Quiozon, 32 .
Sinabi ni Jimena na nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa Capitol Homesite Subdivision sa Tandang Sora, Quezon City kung saan puwersahang inagaw ng dalawang armadong suspect ang kulay itim na Toyota Fortuner (RAF-44) ni Rosell na kapaparada lamang sa tapat ng bahay ng naturang driver.
Ayon kay Quiozon, nagtungo umano siya sa kanilang bahay para maghatid ng grocery sa kaniyang pamilya bago sana bumalik sa tahanan ng actor nang biglang sumulpot ang mga suspect at tangayin ang sasakyan ng kaniyang amo.
Sinabi ng driver ng actor na ang mga suspect ay mabilis na tumakas dala ang sasakyan ng kaniyang amo habang isa pang kulay itim ring Toyota Altis na may plaka namang ZGY-110 ang ginamit na getaway vehicle ng isa sa mga suspect.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon ng mga awtoridad na napansin ng mga security guard sa naturang subdivision na sinusundan ng isang Toyota Altis ang sasakyan ng actor sa may gate pa lamang ng pumasok ito sa naturang subdivision.
Sinabi pa ng driver na naiwan niyang bukas ang sasakyan sa pagmamadali kung saan ng lumingon siya ay kinokomander na ito ng mga kidnappers at dito’y napatakbo siya na sumigaw ng saklolo sa kaniyang mga kapitbahay.
Sumaklolo naman si Jacinto na kapitbahay at kaibigan ng driver ng actor na tinangkang habulin ang mga kidnappers subali’t pinagbabaril ito ng mga suspect.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng beripikasyon ang mga awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) upang alamin kung sino ang may-ari ng Altis habang inalerto na rin ng Quezon City Police District ang iba’t ibang units ng pulisya sa Metro Manila para tugisin ang mga suspect upang mabawi ang behikulo ng actor.
Nakatakda namang ipatawag ng mga imbestigador si Rosell upang alamin kung may nalalaman ito sa motibo ng pagtangay sa kaniyang behikulo habang patuloy ang pagsisi yasat sa kasong ito. (Joy Cantos/Ricky Tulipat)