German pedophile tiklo sa Bureau of Immigration
MANILA, Philippines – Natiklo ng Bureau of Immigration (BI) ang isang German pedophile, na pinaghahanap sa kanyang bansa sa ilang kaso ng child molestation. Ayon kay Commissioner Marcelino Libanan, kasalukuyang nakadetine si Holger Arvid Ingo Becker, 47, sa BI detention center sa Bicutan at nakatakdang ipa-deport sa Germany kung saan inisyuhan ito ng international warrant of arrest. Mismong si Libanan ang nagla bas ng mission order na nagresulta sa pagkakahuli ng pugante noong April 7 sa Brgy. Batong Dalig, Cavite City ng mga elemento ng BI law enforcement division. Bago rito, ang pag-aresto kay Becker ay hiningi ng German embassy sa Maynila, na siyang nagpabatid sa BI ukol sa criminal record nito bilang child molester. Ayon kay Atty. Floro Balato Jr., BI spokesman, ipapatapon si Becker dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien nito. Aniya, kinansela na ng German government ang pasaporte ni Becker, na nagtago sa bansa mula pa noong Enero 2008 pagdating nito sa Maynila. Inilarawan ni Werner Grohe, ang Third Secretary ng German embassy, si Becker bilang kilabot na pedopilya na nakapambiktima na ng ilang bata sa Germany bago ito tumakas patungong Pilipinas. Ayon kay Grohe, mananatiling nakakulong si Grohe sa Germany kahit napagsilbihan na nito ang hatol sa pagdukot sa isang bata. Inilabas ang arrest warrant laban kay Becker noong Pebrero ng isang korte sa Hamburg kung saan kinasuhan siya ng panggagahasa sa isang limang-taong gulang na batang babae noong September 2006.
(Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending