MANILA, Philippines - Nalambat ng Manila Police District ang tinaguriang ‘Biboy Robbery group’ na sinasabing responsable sa serye ng holdapan sa Maynila sa isinagawang operasyon sa Quirino Ave., Malate, Maynila, sa ulat kahapon.
Nakilala ang mga naaresto na sina Biboy Sagun, 20; Martin Nievera, (kapangalan ng singer-actor), 22, at isang Michael (’di tunay na pangalan), 17 ng Pandacan, Maynila.
Ayon sa nakalap na impormasyon, ang grupo ang madalas na mangholdap at manloob sa Pandacan, Maynila.
Nang isailalim sa surveillance operation ay agad natukoy ang iligal na aktibidades ng mga suspek partikular ang huling reklamo ng isang Erlinda Tactaquin, 54, ng 1800 Ilang-Ilang Sts., Pandacan, na binaril pa umano ng mga suspek at natangayan ng 2 cellphone at P1,000 cash noong Abril 16.
Sa follow-up operation kamakalawa, nadakip ang mga suspek sa nasabing lugar na pinaniniwalaang nagpa-plano ng bagong bibiktimahin habang armado ng baril.
Sa beripikasyon, nagtungo si Tactaquin sa presinto at positibong kinilala si Sagun na bumaril sa kaniya nang siya ay holdapin. (Ludy Bermudo)