MANILA, Philippines - Huwag munang husgahan ang kaso ni Ted!
Ito ang panawagan kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa sa lahat ng sektor kaugnay ng samutsaring mga espekulasyon hinggil sa isyu ng suicide o foul play sa posibleng parri cide sa pagkamatay ni Trinidad Etong, misis ni ABS-CBN broadcaster Ted Failon sa Quezon City noong Abril 15.
Sa panayam, sinabi ni Verzosa na dapat nang tigilan muna ang maagang paghusga sa sanhi ng pagkamatay ni Trinidad sa dahilang ito ay posibleng makagulo lamang sa takbo ng imbestigasyon na masusing isinasagawa ng pulisya.
Binigyang diin ni Verzosa na ipinag-utos niya ang malalimang imbestigasyon sa kaso, ipinalulutang ang lahat ng mga ebidensya na nakuha sa crime scene upang lumilitaw ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Trinidad.
Ayon kay Verzosa, hindi makakatulong sa imbestigasyon kung huhusgahan kaagad ang kaso gayong hindi pa naman tapos ang isinasagawang imbestigasyon, partikular na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon City Police District.
Sa ngayon ay sari-saring mga opinyon at haka-haka ang lumulutang sa pagkamatay ng 45-anyos na si Trinidad, na natagpuang may tama ng bala sa kaliwang sentido ni Ted at ng mga kasambahay nito sa kanilang tahanan sa #27 General Aquino Street, Tierra Pura Subd. sa Quezon City.
Sa kabila ng mga magkakasalungat na testimonya ni Ted at apat na kasambahay nito hinggil sa kanilang pagkakadiskubre sa posisyon ng duguang si Trinidad sa loob ng kanilang banyo, sinabi ni Verzosa na malaki ang maitutulong ng pisikal na ebidensya na nakalap ng SOCO teams mula sa crime scene.
“We are correlating all pieces of physical evidence that were lifted on the crime scene, the investigation was still on going,” paliwanag ng Chief PNP.
Samantalang bunga ng paglilinis sa crime scene ay nahaharap sa kasong obstruction of justice si Ted Failon, mga katulong na sina Carlota Morbos, Wilfreda Bollicer, houseboy na si Pacifico Apacible at driver na si Glenn Ponan.
Gayundin ang hipag at bayaw ni Ted na sina Pamela at Max Arteche na marahas na inaresto ng Quezon City Police District sa hospital noong Huwebes ng gabi bunsod upang ipasibak ang mga pulis na gumamit ng ‘excessive force’ sa nangyaring komosyon.
Nagpahayag din ng paniniwala si Verzosa na hindi maaapektuhan ang mga imbestigador ng Special Task group ng Quezon City Police District ng mga batikos mula sa media kaugnay sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Trinidad.
Samantala, umapela rin ang pulisya sa pamilya ni Ted na tumulong sa kanila para agad na maresolba ang naturang kaso.
Sa press conference kahapon sa tanggapan ng QCPD sa Camp Karingal, hiniling ni QCPD OIC Director, Sr. Supt. Elmo San Diego, sa pamilya Etong at Arteche, mga kasambahay, drivers at lahat ng kaanak ng nasawing si Trinidad na magtungo sa kanilang tanggapan at tulungan sila upang masagot ang mga importanteng tanong sa kung ano ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Trinidad.
Ayon kay San Diego, hindi nila kailangan ang anumang haka-hakang lumulutang kaugnay sa kaso dahil nakakasira lamang umano ito sa konsentrasyon ng kanilang operatiba para agad na masolusyunan ang nasabing insidente.
Samantala, nakapokus naman ngayon sa imbestigasyon ang tropa ni San Diego sa tama ng bala o trajectory bullet sa ulo ng biktima dahil dito nila umano madedetermina kung ano ang tunay na nangyari halimbawa kung nagpaputok ba ito o may ibang gumawa.