MANILA, Philippines - Mistulang hayop na pinagtulungang katayin ng dalawang karpintero ang isang 53-anyos na ex-Army na kawani ngayon ng Department of Transportation ang Communication (DOTC) sa harapan mismo ng dalagang anak nito, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Nakilala ang nasawi na si Manuel Pineda na pinaghahataw ng tubo sa ulo at ataduhin pa ng saksak ng mga suspect na sina Paquito Ventoso, 58; at isang alyas “Pulatata”, kapwa nasa hustong gulang na pawang nakatira sa Green Valley, San Nicolas, Molino 3, Bacoor Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ipinapagawa ng biktima sa dalawang suspect ang kanyang bahay sa Blk 30-Lot 20, Mount Carmel corner Love lane St., Christian Ville Subdivision, Talon 5, Las Piñas City.
Nabatid na noong Sabado pa sinimulan ng dalawang suspect ang pagkukumpuni at paglalagay ng extension sa bahay ng biktima subalit lagi na lamang umanong pinupuna at nilalait ng huli ang mga kapalpakan sa trabaho ng dalawa.
Posibleng ito umano ang dahilan nang pagka-irita ng dalawang salarin kung kaya kahapon habang kumakain ng almusal si Pineda ay muli umanong pinuna nito ang palpak na trabaho ng dalawa hanggang hatawin na siya ng tubo at ataduhin ng saksak sa harap ng anak na si Angelina. (Rose Tamayo Tesoro)