Lenten Season mapayapa - NCRPO
MANILA, Philippines - Maliban sa ilang insidente ng nakawan, naging mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita sa Semana Santa sa Metro Manila.
Ito ang assessment report na inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Roberto Rosales.
“From April 8-12, the observance of Lenten Season in the whole areas covering Metro Manila was generally peaceful despite some incident of robberies,” ani Rosales sa PNP Press Corps.
Kabilang dito ayon kay Rosales ay isang insidente ng “Akyat Bahay” na naitala ng NCRPO sa Quezon City.
Hindi naman nangilin nitong Mahal na Araw ang mga magnanakaw matapos makapagtala ng apat na insidente ng holdapan sa Quezon City, 3 sa hurisdiksyon ng Northern Police District at isa sa Southern Police District.
Samantala, isa ring insidente ng carnapping ang nairekord ng NCRPO sa Quezon City.
Epektibo rin kahapon ng alas-12 ng tanghali ay ibinaba na ni Rosales sa normal ang kanilang alert status sa pagtatapos ng Semana Santa.
Inihayag ni Rosales na naging epektibo rin ang naging pagpapakalat nila ng 85 porsiyento ng NCRPO operatives sa Metro Manila na pangunahing tinutukan ang mga terminal ng iba’t ibang uri ng sasakyan kaugnay ng exodus sa mga probinsya ng mga pasahero.
Ayon pa sa opisyal, personal din siyang nag-ikot sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa NCR at dito niya nakita na malinis ang mga police blotter dahil sa kawalan ng krimen nitong nagdaang kuwaresma o panahon ng pagtitika. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending