Parking attendant natagpuang patay
MANILA, Philippines - Isang 35-anyos na parking attendant ang natagpuang patay sa kalye ilang minuto matapos itong umalis ng kaniyang bahay upang pumasok sa trabaho sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Jun Canete, may-asawa, parking attendant sa Luneta at residente ng 52 Purok 2, Isla Puting Bato, MICT North Habor, Tondo na nasawi sanhi ng mga saksak sa katawan.
Sa ulat ni Det. David Tuazon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 4:20 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Access Road sa direksiyon ng Isla Puting Bato.
Sinabi ng pamilya ng biktima na nakabisikletang pumapasok ito dahil nakatalaga ito sa alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Luneta.
Ayon naman sa ’di nagpakilalang saksi, padaan din siya sa nasabing lugar nang nakita nito ang biktima na nakahandusay sa lugar dahilan upang ipagbigay-alam ito sa pulisya. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending