Ikakasal tinodas

MANILA, Philippines - Isang lalake na takdang ikasal ang pinagsasaksak hanggang mapatay habang patungo siya sa tagpuang lugar nila ng kanyang nobya sa Binondo, Manila kama­kalawa ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Manuel Palazo Jr., isang 21 anyos na leadman ng isang hauling company at resi­dente ng Katuparan, Vitas, Tondo sa naturang lunsod.

Nakabaon pa sa katawan ni Palazo ang 12 pulgadang kutsilyo nang isugod siya sa Metropolitan Hospital pero nalagutan na siya ng hininga rito.

Hindi pa matukoy ng pulisya hanggang sa isi­nusulat ito kung sino ang sumaksak kay Palazo.

Nauna rito, papunta si Palazo sa tagpuang lugar nila ng kanyang nobya para mamili sila ng gagamitin nila sa kanilang nalalapit na kasal ngayong buwang ito nang atakihin siya ng salarin sa panulukan ng Soler at Reina Regente Streets sa Binondo.   

Posibleng walang naka­saksi sa pananaksak sa biktima. Ilang pedicab driver ang nakakita na lamang sa biktima na nakalugmok ang katawan habang nakabaon pa ang 12 pulgadang kut­silyo sa kata­wan nito.

Nagmagandang-loob naman ang napadaang isang taxi driver na si Fe­derico Cabansag at itinakbo sa pagamutan ang biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments