Na-'hijack' na truck natunton sa QC

MANILA, Philippines - Isang 40 footer container van na naglalaman ng P1.5 milyong halaga ng mga produkto ng uniliver Philippines ang natagpuan kaha­pon ng madaling-araw sa Quezon City matapos itong ma-“hijack” ng tatlong arma­dong lalake sa kahabaan ng C-5 Road sa Pasig City.

Ito ang nabatid kay Supt. Rudie Valoria, hepe ng District Traffic Enforcement Unit ng Quezon City Police ma­tapos mabawi ang van na pag-aari ng isang Maria Rita Dayley ng Sun Valley, Para­ñaque city.

Ayon sa imbestigasyon, ang nasabing truck na nagla­laman ng assorted products ng Uniliver ay umalis sa tang­gapan nito sa Libis, Quezon City ganap na alas-10:30 ng gabi at na­katakdang ihatid ang pro­dukto sa Makhro sa Sucat, Parañaque nang hara­ngin ng tatlong armadong kala­lakihan sakay ng isang hindi mabatid na kotse habang binabagtas ang C-5 Road.

Pinababa ng mga suspek sa truck ang driver na si Eufro­senio Reyes, at helper na si Leo Buencansejo at puwer­sahang isinakay sa kanilang sasakyan bago tinangay ang nasabing kargamento.

Nabatid kay Valoria, na ang driver at pahinante ng nasa­bing truck ay iniwan ng mga suspek sa Cavite. Isinumbong ng dalawa kay Dayley ang insidente nang makarating sila sa kanyang tanggapan.

Bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang matag­puan ng tropa ni Valoria ang truck habang na­ka­parada sa may harap ng Uratex Foam sa may Min­danao Avenue sa lungsod ngunit wala na itong laman.

Habang nagsasagawa ng pagsisiyasat si Valoria, isang tawag ang natanggap nito mula sa isang nagpa­kilalang negosyanteng Tsi­noy na humihingi ng tulong ukol sa mga nakaham­ba­lang na sasakyan sa kani­lang gusali.

Pinalalagay ni Valoria na kasabwat ang nasabing negosyante at pinanini­walaang pinagbagsakan ng mga kontrabando kung saan nagbe-verify lamang ito para makasiguro kung nakuha na ang nasabing truck. (Ricky Tulipat)

Show comments