Na-'hijack' na truck natunton sa QC
MANILA, Philippines - Isang 40 footer container van na naglalaman ng P1.5 milyong halaga ng mga produkto ng uniliver Philippines ang natagpuan kahapon ng madaling-araw sa Quezon City matapos itong ma-“hijack” ng tatlong armadong lalake sa kahabaan ng C-5 Road sa Pasig City.
Ito ang nabatid kay Supt. Rudie Valoria, hepe ng District Traffic Enforcement Unit ng Quezon City Police matapos mabawi ang van na pag-aari ng isang Maria Rita Dayley ng Sun Valley, Parañaque city.
Ayon sa imbestigasyon, ang nasabing truck na naglalaman ng assorted products ng Uniliver ay umalis sa tanggapan nito sa Libis, Quezon City ganap na alas-10:30 ng gabi at nakatakdang ihatid ang produkto sa Makhro sa Sucat, Parañaque nang harangin ng tatlong armadong kalalakihan sakay ng isang hindi mabatid na kotse habang binabagtas ang C-5 Road.
Pinababa ng mga suspek sa truck ang driver na si Eufrosenio Reyes, at helper na si Leo Buencansejo at puwersahang isinakay sa kanilang sasakyan bago tinangay ang nasabing kargamento.
Nabatid kay Valoria, na ang driver at pahinante ng nasabing truck ay iniwan ng mga suspek sa Cavite. Isinumbong ng dalawa kay Dayley ang insidente nang makarating sila sa kanyang tanggapan.
Bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng tropa ni Valoria ang truck habang nakaparada sa may harap ng Uratex Foam sa may Mindanao Avenue sa lungsod ngunit wala na itong laman.
Habang nagsasagawa ng pagsisiyasat si Valoria, isang tawag ang natanggap nito mula sa isang nagpakilalang negosyanteng Tsinoy na humihingi ng tulong ukol sa mga nakahambalang na sasakyan sa kanilang gusali.
Pinalalagay ni Valoria na kasabwat ang nasabing negosyante at pinaniniwalaang pinagbagsakan ng mga kontrabando kung saan nagbe-verify lamang ito para makasiguro kung nakuha na ang nasabing truck. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending