Kawani sugatan sa holdap
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang kawani at natangayan pa ng malaking halaga matapos na manlaban sa apat na holdaper kahapon sa Malabon City.
Inoobserbahan sa Manila Central University hospital sanhi ng tama ng baril sa kanang tenga si Edilberto Raquinta, ng Supertraders Shellane Corp., na matatagpuan sa C-3 Road, Caloocan City. Batay sa inisyal na report ng pulisya, alas-11 ng umaga, sakay ang biktima ng isang owner type jeep at magdedeposito ng P500,000 sa isang bangko sa Malabon City.
Pagsapit sa Manapat St., Brgy. Tañong ay sumulpot ang apat na hindi pa nakikilalang lalaki, na sakay ng dalawang motorsiklo kung saan hinarang ang biktima. Nang pumalag ang biktima ay binaril ito ng isa sa mga suspek bago kinuha dito ang nabanggit na halaga bago tuluyang nagsitakas. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending