Pamamaril ng 2 naka-motorsiklo sa Tondo, bahagi ng initiation rites
MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na bahagi ng initiation rites ang gumagala at namamaril na “riding in tandem” kung saan sinasabing anim na ang nabibiktima ng mga ito sa Tondo.
Ayon kay Magtibay, batay sa report na kanyang natanggap wala namang motibo ang mga suspect upang barilin ang mga biktima dahil ang mga ito ay pawang mga sibilyan lamang.
Lumilitaw na napagtitripan lamang ng riding in tandem ng mga ito ang mga bibiktimahin partikular sa lugar na sakop ng MPD Station 1 na pinamumunuan ni Supt. Ernesto Tendero.
Kasabay nito, agad namang inatasan ni Magtibay si Tendero na doblehin ang monitoring at pagmamanman sa posibilidad na muling umatake ang “riding in tandem” ngayong Semana Santa. Aminado din si Tendero na nakaaalarma din ang bilang ng insidente kung kaya’t pinapayuhan din niya ang publiko na manatili na lamang sa kanilang bahay at magtika sa halip na gumala upang maiwasan din ang anumang mga disgrasya.
Tiniyak din nito na patuloy na gumagana ang mga CCTV camera na laban sa mga sindikato at kriminal ngayong Mahal na Araw na nananamantala ng pagkakataon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending