P.6-milyon marijuana nasabat sa mag-tiya
MANILA, Philippines - Bumagsak sa isinagawang buy-bust operation ng Eastern Police District (EPD) ang isang mag-tiyahin na nahulihan ng 41 bricks ng marijuana na nagkakahalaga ng P600,000 kahapon ng madaling-araw sa Camachile, Quezon City.
Kinilala ni District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group chief, Sr. Insp. Roger Garcia ang mga nadakip na sina Sophia Camilo, 46; at 18-anyos na pamangkin nito na si Noel Dagsa kapwa naninirahan sa Brgy. Bayabas, San Gabriel, La Union.
Base sa ulat, naganap ang operasyon dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa may Camachile, Balintawak, Quezon City ilang metro lamang ang layo sa Police Community Precinct 1 ng Quezon City Police District.
Sinabi ni Garcia na natuklasan nila ang iligal na operasyon ng magtiyahin buhat sa ibinigay na impormasyon ng kanilang asset. Dito nakipagtransaksyon ang kanilang asset kay Camilo para sa pagbili ng limang kilo ng marijuana kung saan itinakda ang bayaran at abutan ng iligal na droga sa may Camachile.
Agad namang nakipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Unit at QCPD si Garcia para sa naturang operasyon. Hindi na nakapalag ang magtiyahin nang mapaligiran ng nasa 10 tauhan ng pulisya matapos na magkabayaran.
Nagulat pa ang mga pulis matapos na madiskubre ang dalawang kahon na naglalaman ng 41 bricks ng marijuana na may street value na P600,000.
Sinabi pa ni Garcia na hinihinala nilang kinukuha ng mag-tiya ang iligal na droga sa kabundukan ng Benguet at ibinibiyahe patungo sa Maynila sakay lamang ng pampasaherong bus.
Posible rin umano na may mga kasabwat na mga driver at konduktor ang mga sindikato dahil sa pagpayag na maisakay ang iligal na kargamento sa kanilang bus.
Nakaditine ngayon ang mag-tiyahin sa EPD Annex Detention Cell habang isinampa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito sa korte. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending