MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga naghahanap ng trabaho pati na ang mga bagong nagtapos sa kolehiyo na mag-apply sa kanilang ahensiya dahil nangangailangan ito ngayon ng mahigit sa 1,800 karagdagang empleyado.
Ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando, ang naturang bilang ng makukuhang aplikante ay itatalaga sa mga office jobs at field operations ng ahensiya.
Sinabi pa ni Fernando na may work experience man o wala ay pwede mag-apply sa kaniyang tanggapan.
Ayon pa kay Fernando na magandang panimula o “good stepping stone” aniya ang makapagtrabaho sa MMDA para sa mga nagbabalak kalaunan na makapag-trabaho sa mga private companies sa ibang bansa at naghahangad na mas malaking sahod.
“We do not discriminate. With or without work experience we will accept everyone who is willing to work with us. We will even train you,” ayon pa kay Fernando.
Nabatid na para sa “manual labor”, nangangailangan ang MMDA ng laborers, foreman, painters, carpenters, masons, at drivers na pawang itatalaga sa Landscape Management Office, Road Clearing Group, Traffic Engineering Center, Construction at Equipment Maintenance Office ng ahensiya.
May 226 naman na mga traffic enforcers ang kailangan para italaga sa Traffic Operations Center (TOC) ng MMDA. (Rose Tamayo-Tesoro)