Estibador biktima ng salvaging
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang biktima ng extra-judicial killing o salvage ang isang 21-anyos na estibador na natagpuang nakasilid sa sako, may marka ng sakal sa leeg at nakabalot ng packaging tape ang mukha sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Bago madiskubre ang bangkay ng biktimang si Joselito Mercader ng 325 A. Velasquez st., Binondo ay pinaghahanap na ito ng mga kaanak sa ilang himpilan ng pulisya sa halos 24 na oras.
Dalawang lalaki ang inaalam ang pagkilanlan na huling kausap ng biktima at iniimbestigahan din kung kaninong owner-type jeep at isang Toyota Corolla na kulay grey ang nakitang nakaparada sa lugar kung saan nakita ang sako na may katawan ng biktima.
Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong ala-1:30 ng madaling-araw noong Sabado habang naglalaro ng pusoy sa burol ng kanyang tiyuhin.
Ayon umano sa mga kaanak, naglalaro ng pusoy ang biktima sa lamayan noong madaling araw ng Sabado nang mapansin na umalis ito nang dalawang beses at dalawang lalaki ang nakitang kinakausap nito, bago bumalik sa burol at muling umalis. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending