Vendor inatado ng kapwa vendor
MANILA, Philippines - Patay ang isang fruit vendor matapos na ataduhin ng saksak ng kapwa vendor na nag-ugat sa dating alitan hingil sa inggitan sa kanilang kostumer habang nag-iinuman ang mga ito sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang nasawi na si Jerry Baylon at residente ng Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro sa lungsod. Arestado naman ang suspek na si Armando Gal, 51, ng Sitio Militar ng nasabi ring lugar at nagtamo rin ng malalim na saksak sa kanang hita. Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima ganap na ala 1:30 ng madaling araw, habang ang una ay nakikipag-inuman sa suspek. Sinasabing nasa kasarapan ng inuman ang dalawa nang mauwi ang kuwentuhan sa dating alitan nila kaugnay sa inggitan sa kostumer sanhi upang humantong ito sa mainitang pagtatalo. Ilang sandali pa ay kumuha ng patalim ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima. Bagama’t sugatan ang biktima ay nagawa pa nitong makakuha ng patalim at nakaganti rin ng saksak sa suspek. Subalit dahil mas marami ang tama ng biktima ay binawian din ito ng buhay, habang mabilis namang tumakas ang suspek. Naabutan naman ng kanyang asawa ang biktima na duguang nakahandusay sa loob ng kanilang bahay dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga barangay tanod at itinakbo sa Quezon City General Hospital kung saan ito binawian ng buhay. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending



















