1 pang kauuwing OFW binistay ng bala
MANILA, Philippines - Patay ang isang kauuwi pa lamang na overseas Filipino worker (OFW) makaraang paulanan ito ng bala ng tatlong hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan habang ini-inspeksiyon ng una ang ipinapagawa nitong bahay, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Patay na nang idating sa Muntinlupa Medical Center ang biktimang si Raymundo Esguerra, 49 OFW buhat Italy, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng .45 at .9mm mga kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Kritikal naman ang kondisyon sa nasabi ring pagamutan matapos mahagip din ng bala ang karpinterong si Peter Paul Ramirez, 26 ng Marulas Compound, Putatan, Muntinlupa City na nagkataong kausap ng nasawi nang bistayin ito ng bala ng mga suspect.
Batay sa imbestigasyon nina PO3 Buenaventura dela Cuesta at PO3 Jefferson Santiago ng Criminal Investigation Section ng Muntinlupa City Police, nagpasiyang umuwi muna ng bansa si Esguerra upang ipamadali ang ipinapagawa nilang bahay sa Blk 3-Lot 6, Bayfair Subdivision, Putatan, Muntilupa City. Nabatid na may dalawang linggo pa lamang na dumating ng bansa ang biktima buhat sa Italy at katatapos lamang nito magdaos ng kanyang kaarawan noong Miyerkules, Abril 1 bago isinakatuparan ang pamamaslang sa kaniya.
Napag-alaman na kausap ng biktima si Ramirez nang biglang sumulpot ang tatlong suspect na ang isa’y nasa pagitan ng 40 hanggang 50 ang edad, habang ang dalawa nama’y nasa edad 20-25 at walang babala na agad pinaulanan ng bala ang biktima dakong alas-3:15 ng hapon sa harap ng ipinapagawang bahay nito.
Nang kapwa duguang bumulagta ang dalawang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspect na pawang naglakad lamang palayo sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon ay nananatili namang blangko ang pulisya sa motibo ng pamamaslang sa biktima dahil nasa bansang Italy rin ang misis nito, habang ang mga anak naman nito ay nasa pangangalaga ng ina ng biktima.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending



















