Gang war: 1 patay
MANILA, Philippines - Isa na naman ang nasawi dahil na rin sa lumalalang “gang war” sa Pasig City makaraang masaksak sa mukha, habang isa pa ang sugatan sa naganap na rambol ng magkalabang grupo, kahapon ng madaling- araw.
Wakwak ang mukha at butas ang baga ng biktimang si Gerry Talaman, 23, binata, ng Brgy. Napico Manggahan, habang sugatan naman ang kasamahan nitong si Jonathan Metes, 19, dahil sa natamong saksak sa katawan. Kapwa miyembro ng dalawa ng “8-Miles Gang” sa naturang barangay.
Arestado naman ang tatlong suspek na pawang mga miyembro ng “Clown Gang” na sina Renz Mark Melchor, 18; Luigie Gamboa, 21; at Edmund Feruelo, 20.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12 ng hatinggabi sa Napico Manggahan ng bigla na lamang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng “8-Miles Gang” at “Clown gang” kung saan duguang bumulagta sina Talaman at Metes. Tapos na ang kaguluhan nang rumesponde ang mga tauhan ng Pasig police ngunit inginuso ng mga saksi ang tatlong suspek na sangkot sa krimen. Dito isa-isang inaresto sa “follow-up operation” ang mga suspek na positibo namang kinilala ni Metes.
Itinanggi naman ng tatlo na sangkot sila sa pananaksak sa dalawa dahil sa maging sila umano ay biktima rin ng kaguluhan dahil sa natamong mga sugat at pasa sa katawan. Iginiit ng mga ito na napadaan lamang sila sa lugar at nadamay sa naturang rambol. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending